Kinumpirma ni dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) official Jeff Tumbado nitong Linggo na nakatanggap siya ng subpoena mula sa National Bureau of Investigation (NBI), ngunit humiling na ipagpaliban ang imbestigasyon ng ahensya.
Ang subpoena ay may kinalaman sa mga alegasyon ni Tumbado hinggil sa katiwalian sa LTFRB na binawi na niya.
Sinabi ng Department of Justice, na nangangasiwa sa NBI, na inaasahang magpapakita ng ebidensya si Tumbado sa Lunes, Oktubre 16.
Giit naman ni Tumbado na handa siyang lumahok sa imbestigasyon. Gayunpaman, humiling siya ng pagpapaliban dahil naghahanda na rin siya para sa isang pagdinig sa House of Representatives sa Martes.
Hiniling naman niya sa kanyang legal counsel na si Pearl Campanilla na ito muna ang dumalo sa imbestigasyon ng NBI.