-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nadakip muli sa operasyon ng pulisya ang isang dating drug personality matapos ang ikinasang Drug Buy Bust Operation sa Lantap, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oscar Abrogena, hepe ng Bagabag Police Station sinabi niya na nadakip sa isinagawang drug buy bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit at Bagabag Police Station si Recson Tabada, 40-anyos at residente rin ng naturang barangay.

Nakumpiska sa pinaghihinalaan ang 9 pirasong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang eyeglass plastic case, isang green disposable lighter, isang genuine One Thousand Peso bill na buy-bust money, 4 na medium pre-cut rolled alluminum foil strips, isang metal tube tooter, isang rolled aluminum foil, isang pre-cut rolled alluminum foil strip, 4 trimmed empty transparent plastic sachets.

Ang suspek ay dinala sa Bagabag Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Ayon kay PMaj. Abrogena, ang pinaghihinalaan ay transient o nangungupahan lamang dahil nagtrarabaho ito bilang operator ng peryahan at dumadayo sa iba’t ibang lugar.

Batay sa kanilang pagsisisyasat ay dati na ring nahuhli si Tabada dahil sa pagbebenta ng iligal na droga sa Santiago City at kinukuha umano nito ang ibinebentang iligal na droga sa bayan ng Bayombong.

Babala niya sa mga nagnanais pang masangkot sa iligal na kalakaran ng droga sa kanilang bayan na mahigpit ang kanilang monitoring sa mga dating drug personalities dahil ayaw nilang mauwi sa wala ang pinaghirapang drug clearing ng kanilang hanay.

Aniya on process na ang pagdedeklara sa bayan ng Bagabag bilang Drug free Municipality kaya puspusan ang ginagawa nilang monitoring at operasyon.