Kinumpirma ni dating Armed Forces of the Philippines’ Western Command (AFP WESCOM) commander Vice Admiral Alberto Carlos na nakatanggap sila ng tawag mula sa isang Chinese military attaché ngunit nilinaw nito na hindi siya pumasok sa anumang kasunduan na maaaring makompromiso ang national interest ng Pilipinas.
Ito ang unang pagkakataon na hinarap ni Carlos ang umano’y “New Model” agreement para pamahalaan ang sitwasyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea, na unang ibinunyag ng Chinese Embassy sa Maynila.
Sa imbestigasyon ng Senado sa umano’y wiretapping ng Chinese Embassy, sinabi ni Carlos na nakatanggap siya ng tawag sa telepono noong unang bahagi ng Enero mula sa Chinese Military Attaché na kinilala niya bilang “Senior Colonel Li” ng Chinese Embassy.
Hindi maibigay ni Carlos ang buong pangalan ng attaché ng militar ng China.
Ngunit tahasan niyang sinabi na hindi siya pumasok sa anumang binding agreement sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ayon kay Carlos, ang pag-uusap sa telepono, na tumagal ng tatlo hanggang limang minuto, na pinasimulan ng Chinese military attaché ay “very informal” at “casual.”
Hindi naman na ibinunyag ni Carlos ang karagdagang detalye tungkol sa pag-uusap, ngunit sinabi niya sa Senate national defense committee na handa siyang magbigay ng briefing sa mga senador hinggil sa operational concept para sa RORE na iyon, na kinabibilangan ng nasabing pag-uusap sa telepono, sa isang executive session.