-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN -Labis na nakakabahala. Ganito isinalarawan ni Wilson Chua, Managing Director at Co-Founder ng Bitstop Incorporated, ang magkakasunod na data breaches sa magkakaibang mga ahensya ng gobyerno.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag nito na hindi lamang ito ang kumpletong listahan ng mga apektadong mga ahensya at may mga ilan pang mga hindi pa nagrereport hinggil dito.

Aniya na labis na itong ikinakaalarma ng publiko sa puntong ikinagagalit na nila ang hindi pagbibigay ng pansin ng mga kinauukulang ahensya ang pagpoprotekta sa mga nakolekta nilang mga impormasyon na naaayon sa Data Privacy Act.

Pahayag pa ni Chua na kasunod ng data leaks sa Commission on Elections at sa Philippine Health Insurance Corp., ang nangyayaring pag-giit ng Philippine Statistics Authority na hindi naapektuhan ang pinakapangunahing national ID database, ay wala naman itong katiyakan. Habang isa rin sa nakakapangambang bagay ang pagkaka-breach din sa intelligence body ng kapulisan ng bansa.

Sa pagkakataong ito ay napakalaki umano ang implikasyon ng mga isyung ito sa mga ordinaryong Pilipino, partikular na ang paggamit ng mga impormasyon ng mga kawatan upang nakawin ang pagkakakilanlan ng isang indibidwal at gamitin ito sa iba’t ibang klase ng krimen.

Dagdag pa ni Chua na kung mistulang internasyonal na grupo ang Medusa Group na umatake sa PhilHealth ay tila local hacker naman ang nanghimasok sa Philippine Statistics Authority.