Nakatakdang lumiham si Agriculture Sec. William Dar kay Budget Sec. Wendel Avisado para pormal na hilingin dito na huwag bawasan ang pondo ng Department of Agriculture (DA) sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ito Dar sa virtual hearing ng House committee on agriculture matapos tanungin ng mga kongresista kung ano ang magiging epekto ng memorandum circular na inilabas ng DBM na nagsasabing hindi na ibibigay ang 35 percent ng programmed appropriations sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act para gamitin sa COVID-19 response.
Ayon kay Dar, posibleng magkaroon ng problema sa food security sakaling mabawasan ang kanilang pondo ngayong taon lalo pa at nahaharap ang bansa sa isang public health crisis.
Sa halip na kaltasan, umapela naman ang kalihim sa Kongreso na dagdagan pa ang kanilang pondo dahil kaakibat ng banta ng COVID-19 pandemic ay ang banta naman ng gutom.
Kaya pinakamalaking bahagi sa isinusulong nilang P66-billion stimulus package para sa agrikultura ay inilalaan para sa Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (Alpas) Kontra Covid-19 Program sa halagang P31 billion.
Sa ilalim ng Alpas Kontra COVID-19 program, P8.24 billion ang inilalaan para sa Rice Resiliency Program, P8 billion para sa Rice Bufferstocking, at P3 billion ang para sa Social Amelioration Program sa mga magsasaka at mangingisda.
Sinabi ni Dar na P20 billion naman ang hinihinging alokasyon ng DA para sa food logistics o food markets kabilang na ang sa pagpapalakas sa price monitoring at enforcement system, pagpapalawak nang suporta sa provincial LGUs at agricultural and fisheries commodity exchange system.
Aabot naman sa P15 billion ang alokasyon na inilalaan ng DA para sa Cash for Work (C4W) Program, na maaring makapagbigay ng trabaho sa 1 million agri-fisheries workers kapalit ang pasahod na aabot ng hanggang P15,000.
Umaasa si Dar na mapagbibigyan ng Kongreso ang kanilang rekomendasyon upara matiyak na rin ang food sufficiency sa gitna ng public health crisis.