-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang gobyerno na paghandaan ang posibleng pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Ito’y matapos ang pagtaas ng presyo sa pandaigdigang pamilihan bunsod ng desisyon ng Saudi Arabia at iba pang OPEC + oil producers na bawasan ang produksyon ng 1.16 milyong bariles kada araw.

Nakakalungkot aniya ang pangyayaring ito, at dapat agad na gumawa ang gobyerno ng mga aksyon na magpapagaan sa posibleng dagok sa ekonomiya ng bansa.

Sinabi ng vice-chairperson ng Senate Committee on Energy na dapat agad na makipag-ugnayan ang Department of Energy (DOE) sa lahat ng industry players para matiyak na sapat ang suplay ng enerhiya ng Pilipinas.

Dagdag pa niya, dapat na ring simulan ng Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB) ang paghahanda para muling ipatupad ang Pantawid Pasada program.

Binigyang diin ng senador na batay sa naunang implementasyon ng programa, ang pagiging epektibo nito ay nakasalalay sa pagiging maagap sa pagbibigay nito sa mga target na benepisyaryo.

Sa gitna ng pabago-bagong presyo ng langis, nauna nang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 384, na naglalayong isabatas ang programang Pantawid Pasada upang makapagtatag ng energy subsidy program para pangalagaan ang sektor ng pampublikong transportasyon laban sa mataas na presyo ng langis.