-- Advertisements --

Pinamamadali na ni Vice Pres. Leni Robredo sa mga nakatalagang opisyal ng gobyerno ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga naapektuhan ng malawakang quarantine dulot ng COVID-19 pandemic.

“Sana mapabilis ito in the sense na hanggang hindi pa nakukuha noong dapat makakuha iyong kanila, ano sila, eh, hindi maayos iyong pakiramdam,” ani Robredo sa isang interview.

Para sa pangalawang pangulo, ang mabagal na distribusyon ng P5,000 hanggang P8,000 ayuda sa sinasabing 18-milyong pamilya ang nagu-udyok para magpumilit lumabas ang mga tao at maipit ang local government units sa sisi ng publiko.

“Tingin ko, kailangan mas maging transparent saka maging mas maayos iyong coordination between the national government and the local governments: sino ba talaga iyong makakakuha. Kasi talagang the LGU officials are bearing the brunt noong galit ng mga taong hindi makakasama.”

Nais lang daw iwasan ni VP Leni na maulit ang insidente ng karahasan, tulad nang nangyari sa kapitan ng isang barangay sa San Pablo, Laguna kamakailan.

Ito ay kung saan napatay ang biktimang si Larry Rosales dahil hindi nakatanggap ng ayuda mula sa social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development ang isang residente.

“So ako, ito iyong mga kailangang ayusin kasi kapag alam ng tao na may makukuha siya, baka ito iyong isang deterrent na nagpupumilit pa rin siyang—kahit bawal, nagpupumilit pa rin siyang lumabas para maghanapbuhay.”

Para kay Robredo dapat maging accessible sa lahat ng local officials ang kopya ng form ng SAP application, pati na ang paggiging transparent.

“Mas maigi na alam— Iyong buong listahan ng makakakuha should be made public, para hindi rin nasisisi iyong mga LGU officials noong mga tao na wala sa listahan.”

“Pero dahil hindi naman iyon kayang maabot lahat, baka it would help everyone that the list be made public, para alam ng tao kung makakakuha siya o hindi at alam ng tao na hindi niya naman kailangang isisi sa kaniyang kapitan o isisi sa kaniyang mayor kung bakit siya wala.”