-- Advertisements --

Posibleng maranasan muli ng dalawang lugar sa Visayas ang “danger-level” heat index na umaabot sa 42°C ngayong Lunes, Abril 6, ayon sa state weather bureau.

Ito ay sa Dumangas, Iloilo at Catarman, Northern Samar.

Nitong Linggo, parehong naitala sa dalawang lugar ang heat index sa danger-level, mula 42°C hanggang 51°C.

Batay sa limang-araw na kalkulasyon ng heat index ng weather bureau, nagtala ang Dumangas ng 43°C, habang 42°C naman sa Catarman.

Paliwanag ng weather bureau ang heat index ay nagpapakita kung gaano kainit ang nararamdaman ng katawan, batay sa kombinasyon ng temperatura at relative humidity.

Kapag mataas ang humidity, bumabagal ang pagpapawis ng katawan, kaya mas mahirap itong lumamig.

Kayat upang maiwasan ang panganib dulot ng matinding init, ipinapayo sa publiko na uminom ng maraming tubig, manatili sa lilim o sa mga maaliwalas at malamig na lugar hangga’t maaari, gumamit ng payong, sumbrero, o proteksyon sa balat kapag lalabas, magsuot ng magaang at light-colored na damit at bigyang-pansin ang mga sintomas ng heat exhaustion tulad ng pagkahilo, pagkapagod, at labis na pagpapawis, at agad kumonsulta sa doktor kung kinakailangan.