KORONADAL CITY – Kaagad ipinatupad ng mga local government units (LGU) ng Kadingilan, Bukidnon at Cotabato City, ang damage assessment at pagsuspinde ng klase kasunod ng 5.9 magnitude na lindol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Anne Mary Obido ng LGU-Kadingilan, sinuspinde ang klase sa lahat ng antas at pasok sa trabaho upang bigyang-daan ang lokal na pamahalaan na makapagsagawa ng inspeksyon sa pinsalang dulot ng pagyanig.
Kanila ring idineploy ang Rapid Damage and Needs Analysis (RDANA) team sa 17 barangay na apektado ng lindol.
Nasa apat ang naitalang patay, isa ang nahimatay habang dalawa ang na-trauma, nang yumanig ang nasabing lindol noong Lunes ng gabi.
Nasa pitong barangay naman sa bayan ng Tulunan, North Cotabato, ang itinuring nang hindi ligtas kaya naghahanap na ang LGU-Tulunan ng mapaglilipatan ng mga apektadong residente.
Samantala, pinapaimbestigahan naman ni Anecito Rasalan, secretary ni Cotabato Mayor Cynthia Sayadi, ang bagong apat na public schools na umano’y “substandard” matapos magkaroon ng pinsala matapos ang pagyanig sa kanilang nasasakupan.