Naglabas ng isang bagong video ang Hamas noong Sabado kung saan nakita rito ang dalawang Israeli hostage na hawak sa Gaza Strip mula noong Oktubre 7 na pag-atake sa katimugang Israel.
Ang video ay katulad ng mga nakaraang hostage video na inilabas sa publiko ng Islamist group, na kinondena naman ng Israel bilang psychological terrorism.
Ang dalawang lalaki, na kinilalang sina Keith Siegel, 64, at Omri Miran, 47, ay isa-isa na nagsalita sa video kung saan inihayag nila ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga pamilya at humihiling na palayain.
Si Miran ay na-hostage mula sa kanyang tahanan sa komunidad ng Nahal Oz sa harap ng kanyang asawa at dalawang anak na babae noong Hamas killing spree na nagpasiklab ng digmaan sa Gaza.
Si Siegel naman, na isang dual US citizen, ay binihag kasama ang kanyang asawa mula sa ibang border town. Kalaunan ay pinalaya ang kaniyang asawa noong pansamantalang tigil putokan noong Nobyembre.
Matatandaan na na-publish ang video noong Passover holiday kung saan tradisyonal na ipinagdiriwang ng mga Hudyo ang kuwento sa Bibliya ng pagkakaroon ng kalayaan mula sa pagkaalipin sa Egypt.
Sa isang punto ay napaiyak si Siegel habang kinukuwento niya ang pagdiriwang ng holiday kasama ang kanyang pamilya noong nakaraang taon at inihayag ang kanyang pag-asa na sila ay muling magsasama.
Humigit-kumulang 250 Israeli at dayuhan ang na-hostage sa panahon ng pag-atake ng Hamas, na pumatay ng humigit-kumulang 1,200 katao, batay sa mga Israeli tallies.
Bilang tugon, naglunsad ang Israel ng isang pag-atake sa Gaza, nangako na sisirain ang Hamas at iuuwi ang mga bihag. Ang pag-atake sa ngayon ay pumatay ng higit sa 34,000 Palestinians, ayon sa health authorities sa Gaza na pinamumunuan ng Hamas.