-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Asahan na ang dagdag na singil sa kuryente ng mga kunsumidor na hindi kaagad makapagbayad ng kanilang electric bill sa tamang oras.

Ayon sa Aklan Electric Cooperative (Akelco), muli nilang ibabalik ang 10% na surcharges sa mga delingkwenteng member-consumers.

Sinabi ni Akelco general manager Atty. Ariel Gepty, halos 20% lamang ng kanilang 152,000 na mga miyembro-kunsumidor ang nagbabayad ng electric bills sa tamang oras.

Karamihan aniya sa mga ito ay naghihintay pa ng 48-hour disconnection notice na may malaking posibilidad na maputulan ng kuryente.

Sa kabila nito, nilinaw ni Gepty na ipapatupad lamang ang dagdag singil sa oras na maaprubahan ng Energy Regulatory Commission.

Ang anunsyo ay kasunod ng gagawing taunang general membership assembly sa darating na Hulyo 30, 2022.