Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na magdi-deploy sila ng dagdag na mga tropa sa 50 mga lugar sa bansa sa pagsisimula ng local campaign bukas, Biyernes, March 25,2022.
Sinabi ni Año, ang pagpapadala ng mga dagdag na tropa sa ibat ibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao ay para panatilihin ang peace and order sa mga lugar may mga private armed groups na nag-ooperate.
Aniya, kabilang sa mga lugar na bibigyan ng dagdag na pwersa ay ang Bicol Region, Northern Luzon at Bangsamoro Autonomous Region.
Binigyang-diin ng kalihim na mahigpit na i-monitor ng DILG ang compliance ng local campaigns lalo na sa pagsunod sa minimum public health standards or protocols para maiwasan ang pagkalat ng Covid-19 virus.
Sa panig naman ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos all-set na ang kanilang security preparation sa pagsisimula ng local campaign.
Nakalatag na rin ang kanilang security package para duon sa mga local candidates na may natatanggap na banta sa kanilang buhay.
Una ng sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa pitong siyudad at 39 na mga bayan sa bansa ang under threat bunsod ng nalalapit na national and local elections.