-- Advertisements --

Umapela ang grupo ng nurses sa bansa na taasan pa ang kasalukuyang 7,000 deployment cap para sa mga health care workers na nais magtrabaho sa ibang bansa.

Paliwanag ni PNA president Melvin Miranda, ang sahod ng nurses sa Amerika ay pumapalo sa P120,000 hanggang P250,000 kada buwan maliban pa sa kanilang mga benepisyo.

Habang ang sahod na iniaalok para sa mga nurse ay nagsisimula sa P300,000 sa United Kingdom, Australia at Canada.

Saad pa ni Miranda na patuloy na maghahangad ang mga nurses sa bansa na magtrabaho sa abroad hangga’t hindi pa naaayos ang kanilang sahod at compensation.

Subalit nauna ng sinabi ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na tanging 7,000 nurses lamang ang pinapayagan para sa overseas employment para ngayong taon.

Ilang beses na rin nananawagan ang mga health workers sa gobyerno para sa mas mataas na sahod at paglalabas ng kanilang COVID-19 response benefit at allowances kung saan ilan sa mga ito ay mas pinili na lamang na mag-resign at maghanap ng ibang trabaho habang ang iba naman ay nangibang bansa na lamang.

Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na nangangailangan ngayon ang bansa ng nasa 106,000 nurses sa public at priate facilities at mga ospital sa bansa.

Liban pa sa mga nurse, nagkukulang din ang doctors, pharmacists, radiologic technologists, medical technologists, occupational therapists, physical therapists, midwives, at dentists.