-- Advertisements --

Dinagdagan pa ng Commission on Elections (Comelec) ang honoraria ng mga gurong magsisilbi sa mismong araw ng eleksyon.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, mula sa dating P8,000 ay magiging P10,000 na ang halagang matatanggap ng mga electoral board chairpersons, habang nagkakahalaga naman sa P8,000 ang matatanggap ng mga electoral board members mula sa dating P6,000.

Aminado si Garcia na ang naturang mga halaga ay sapat lamang bilang pangbayad sa income tax na ikakaltas naman sa kikitain ng mga guro.

Paliwanag niya, kahit na gustuhin man daw kasi ng Comelec na huwag ng patawan pa ng buwis ang honoraria ng mga ito ay wala na silang magagawa sa oras na hindi ito pahintulutan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil labas na ito sa kanilang hurisdiksyon.

Samantala, sinabi naman ni Assistant minority leader at ACT Teachers Party-List Representative France Castro na ang ginawang hakbang na ito ng komisyon ay mas maigi kumpara sa mga nakalipas na eleksyon kung saan ay idinaan sa cash card ang mga benepisyo para sa mga guro na talagang nagdulot naman ng napakaraming suliranin.

Magugunita na una rito ay nagpahayag na ng pagtutol ang Department of Finance (DOF) hinggil sa mungkahing alisin tax sa honoraria at allowance ng mga gurong magsisilbi sa halalan sa kadahilanang maaari ito pagmulan ng iba’t-iba pang mga panawagan ng mas marami pang exemptions para sa mga katulad na benepisyo na ibinibigay sa iba pang mga indibidwal na magsisilbi sa mismong araw ng eleksyon.