Nakalikom ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng 400 sako ng basura matapos ang ilang araw na pag-ulan dahil sa bagyong Egay, Falcon at habagat sa Manila Bay Dolomite Beach sa lungsod ng Maynila.
Maliban sa mga tauhan ng MMDA at DENR, tumutulong din sa paglilinis ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at iba pang volunteers.
Nabatid na iba’t-ibang klase ng basura ang nahahakot sa paglilinis kung saan may nakuha pa silang troso, kawayan at mga dahon ng niyog na galing sa mga karatig na lugar.
Kabilang pa sa mga basura na nahakot sa Dolomite Beach ay mga plastic bottles, styro, mga sachet, diaper at iba pa.
Mabilis umano ang ginawang paglilinis ng mga otoridad upang maibalik ang kagandahan ng naturang pook pasyalan.