ILOILO CITY – Bigong makabyahe ang karamihan sa mga pampasaherong jeep sa Iloilo City dahil hindi natapos ng mga transport operator ang pagsasa-ayos ng mga kinakailangang dokumento para mabigyan ang mga ito ng special permit.
Daan-daang pasahero tuloy ang na-stranded sa bawat terminal ng lungsod sa unang araw ng pagbabalik ng mga empleyado sa kani-kanilang mga trabaho.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito huli na ng kanyang malaman ang tungkol sa guidelines ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maka-byahe ang mga jeepney.
Ayon kay Treñas, sisikapin niyang mabigyan ng karampatang solusyon ang problema ng mga pasahero at sektor ng transportasyon sa pamamagitan ng pakikig-usap kay LTFRB- 6 Director Richard Osmeña.
Inihayag din ni Treñas na nais rin nitong maliwanagan sa guidelines ng nasabing ahensya hinggil sa pagbabawal ng angkas sa motorsiklo kahit na magpamilya ang sakay nito.