-- Advertisements --
image 293

Ipinagmalaki ni dating Labor Secretary at kasalukuyang Manila Economic and Cultural Officer Chair Silvestre Bello III ang dumaraming mga Pilipino na nakikinabang sa work-study program ng Taiwan.

Ito ay kasunod ng panibagong batch ng mga Pilipino na nakapagtapos ng Bachelor of Science in Industrial Engineering, major in Management (IEM) mula sa isang unibersidad sa Taiwan.

Ayon kay Bello III, kabuuang 73 Pilipino ang ginawaran ng nasabing degree noong Pebrero. Ang mga ito aniya ay pawang mga babae.

Nitong nakalipas na linggo, umabot naman aniya sa 53 Filipinos ang panibagong nakapagtapos at nakakuha ng kaparehong degree.

Ayon kay Bello III, umabot na sa 201 Filipino students ang nakinabang sa nasabing programa simula mag-umpisa ito noong Marso ng 2019.

Ang nasabing programa ay sa ilalim ng Academe-Industry Collaboration Program ng Taiwan. Dito ay inaalok ang mga intersadong Pilipino ng apat na taong baccalaureate degree kung saan pinagsasama ang pag-aaral at internship.

Kasama rin sa mga inaaral ng mga Filipino students sa ilalim nito ay ang Mandarin, at training sa mga malalaking kumpanya sa Taiwan.