Nagpahayag na rin ng suporta kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen ang mga nakasama nito sa trabaho at mga kaibigan dahil sa kaniyang hinaharap na impeachment complaint.
Sa isang pahayag, sinabi ng daan-daang abogado, regional trial court judges, environment at human rights advocates, maging mga estudyante, na wala umanong basehan ang inihain na impeachment complaint laban kay Leonen.
Malinaw umano na direkta itong pag-atake sa integridad ng Korte Suprema at hindi dapat pagtuunan ng pansin.
Ayon sa mga ito, ang ginagawang hakbang ni Leonen para depensahan ang karapatan ng mga magsasaka at indigenous communities sa buong bansa ay patunay lamang ng kaniyang malasakit at pagmamahal sa kaniyang tungkulin.
Nahaharap sa impeachment complaint ang nasabing mahistrado sa House of Representatives dahil sa di-umano’y pagtataksil nito sa tiwala ng publiko at paglabag sa Saligang Batas.
Ito ay sa pamamagitan ng bigong paghahain ni Leonen ng kaniyang statements of assets, liabilities and net worth (SALN) sa loob ng 15 taon.
Para naman sa kaniyang mga naging estudyante sa University of the Philippines (UP) College of Law, ang dedikasyon nito sa kaniyang tungkulin ay naging ugat ng inspirasyon at respeto.
Nagsilbi bilang dean ng UP College of Law ang assoscitae justice at naging director ng legal aid program nito.