Aminado ang Department of Agriculture (DA) na walang nakalaan na pondo ang pamahalaan bilang pamalit sa mga alagang baboy na sapilitang kinatay dahil sa African Swine fever (ASF).

Ayon kay Agriculture Sec. William Dar, tanging loan o pautang lang sa mg apektadong hog raisers ang kayang ilaan ng gobyerno dahil hindi rin sapat ang pondo para rito.

Nabatid ng DA na bilyong-bilyong piso ang kakailanganin para tuluyang makabangon ang industriya ng pabababoy sa bansa.

Pero hindi umano ibig sabihin nito na kargo na rin ng pamahalaan ang halaga ng kada isang baboy na papatayin dahil sa ASF.

Sa ngayon, patuloy ang DA sa pagpapahiram ng P30,000 sa affected hog raisers nang walang interes.

May P3,000 ring ayuda na binibigay ang kagawaran sa mga naapektuhang magbababoy.

Batay sa huling datos ng Agriculture department, nasa 15,000 baboy ang kasalukuyang apektado ng ASF.

Pero hindi pa raw aabot sa 1-percent ang katumbas nito mula sa 12.8-milyong bilang ng alagang baboy sa buong bansa.

Nilinaw naman ni Sec. Dar na kontrolado na ang sitwasyon sa mga barangay sa Quezon City, Rizal at Bulacan kung saan unang naitala ang ASF.

Mahigpit naman ang monitoring sa panibagong kasong naitala sa Antipolo City.