-- Advertisements --
sibuyas

Tiniyak ng Department of Agriculture o DA na may mga ginagawa na sila para hindi na maulit ngayong 2023 ang kontrobersiya sa mataas na presyo ng sibuyas sa bansa.

Sa pagdinig ng House Committtee on Agriculture, tinanong ni Quezon Rep. Jay-Jay Suarez ang DA kung ano ang ginagawa ng ahensya para hindi na mauulit ang nangyaring “onion fiasco” noong nakalipas na taon kung kailan sumipa ang presyo ng sibuyas.

Tugon ni Agriculture Asec. Kristine Evangelista, mayroon silang isasagawang buwanang “price and volume watch” anuman ang sitwasyon.

Ibig sabihin, hindi lamang sila magdaos ng “stakeholders meeting” kapag may susulpot na krisis.

Kasama rito ang mga magsasaka, traders, pati supermarkets at iba pang “involved” sa value chain.

Dagdag ni Evangelista, mahigpit na minomonitor ang estado/supply ng mga sibuyas.

Kaya kapag mangangailangan ng importasyon para sa “augmentation purposes”, ika-calibrate nila ito depende sa supply, at upang maprotektahan ang mga producer at consumers.

Matatandaan na noong Dec. 2022, pumalo sa P600 hanggang P700 ang presyo ng kada kilo ng sibuyas sa maraming pamilihan, na ikina-alarma ng mga mambabatas at iba’t ibang mga grupo.