-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na walang magiging epekto sa suplay ng bansa ang ipinatupad na import ban sa buhay na baka at kalabaw.

Ayon kay DA Asst. Secretary Arnel de Mesa, walang epekto sa supply chain ng bansa ang ipinatupad na importation ban, dahil hindi kasama ang karne ng baka at kalabaw.

Maaalalang nagpatupad ng import ban ng mga live cattle ang DA mula sa bansang Libya, Thailand, Russia at South Korea, na hindi rin kabilang sa mga accredited countries.

Nilinaw ni de Mesa na ang pagpapataw ng importation ban ay isang precautionary measure lalo na’t wala pang naitatalang lumpy skin disease sa bansa.

Ang lumpy skin disease o LSD ay viral disease na kumakalat sa mga hayop, karaniwang nagdudulot ito ng bukol-bukol sa balat ng hayop sa may parteng mukha at leeg.

Ang LSD ay hindi nakakahawa sa tao pero maaaring maka apekto sa kalusugan at produksyon ng mga hayop.

Samantala ang mga produktong karne ng baka at kalabaw sa bansa ay karaniwan namang nanggagaling sa India, South America, America at Europa.