-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng rapid assessment ang DA Region 2 sa pinsalang idinulot ng bagyong Florita sa mga pananim na mais at palay sa rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 na ini-activate nila ang kanilang Operation Center at Research Station sa mga lalawigan sa rehiyon.

Kumukuha na rin sila ng ulat sa mga Municipal Agriculture Office at City Agriculture Office at batay sa mga paunang datos na kanilang hawak ay walang gaanong nasira sa mga pananim na mais at palay sa Region 2.

Sa ulat ng MAO sa Alcala, Cagayan ay mayroong 41 hectares ng mais na nasa maturity stage ang binaha dahil naitanim sa mababang lugar.

Mayroon din silang naitalang mga pananim na gulay na binaha.

Sinabi pa ni RED Edillo na sa kabila na walang malaking pinsalang idinulot ng bagyong Florita ay kailangan pa rin nilang magsagawa ng rapid assessment upang malaman ang halaga ng nasira sa mga pananim na mais at palay sa ikalawang rehiyon.