-- Advertisements --

Muling nanawagan ang Department of Agriculture (DA) sa mga may alagang baboy na gumamit ng organic hog feed imbis na pakainin ang mga ito ng nakagawiang kaning baboy.

Sa panayam ng Bombo Radyo pinayuhan ni Agriculture Sec. William Dar ang hog raisers laban sa posibilidad na mahaluan ng karne ng baboy na may sakit ang kanilang pakain sa mga alaga.

“Yung mga backyard hog raisers, huwag ng magpakain ng galing sa basurahan. Ang ipakain natin sa mga baboy natin sa kanayunan, maraming mga natural products (gaya ng) kamote leaves. Mga iba’t-ibang kaning baboy na pwede nating ikolekta: banana trunks, mais. Wag na tayong gumamit ng swilled feeds na galing sa basurahan.”

Nitong Lunes nang mag-positibo sa African Swine fever (ASF) ang 14 sa 20 blood samples ng ilang alagang baboy na namatay noong Agosto.

Halos isang buwan din itong isinailalim sa laboratory testing sa United Kingdom.

Sa kabila nito, tiniyak ng DA na walang paggalaw sa presyo ng karneng baboy sa mga palengke.

Nangako rin ang kalihim ng mahigpit na pagbabantay sa paglabas-pasok ng mga produktong karne sa buong bansa.

“Ang report na natanggap namin ay halos hindi naman gumalaw yung presyo.”

“Of course yung pag-transport ng mga baboy at meat products, talagang mamanmanan natin yan. Makipag-ugnayan kayo (exporters) bago mag-transport, ipasuri muna yung isa o dalawang truck na magdadala ng baboy sa isang lugar.”

“Hindi makakapasa yan sa chechkpoints kung walang veterinarian health certificate.”

Batay sa datos ng DA, higit 7,000 alagang baboy na ang pinatay matapos tamaan ng kahina-hinalang sakit.

Karamihan daw sa mga ito ay galing sa lalawigan ng Rizal at Bulacan.