Nagtayo ng kauna-unahang fuel depot ang Department of Agriculture (DA) at National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) at iba pang agencies sa Pag-asa Island.
Sinabi ni Agriculture Undersecretary for Fisheries and Agri Industrialization Ching Natividad-Caballero, layon ng depot na mailibre ang mga mangingisda sa karagdagang gastos kapag babalik pa sila sa mainlad Palawan para bumili ng petrolyo.
Ibig sabihin ang lahat daw ng mga fisherfolk na nangingisda sa Kalayaan island group at West Philippine Sea ay puwedeng dito na mag-replenish at pumunta lamang sa fuel depot.
Sinabi ni Caballero na kailangan daw tulungan ng pamahalaan ang mga mangingisda sa gitna na rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Samantala, sa kabila naman daw ng pandemic at ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay hindi ito naging hadlang sa production ng mga mangingisda at magsasaka.
Sa kabila raw ng mga bagyong dumaan, nakapagtala pa rin ang bansa ng halos 20 milyong tonelada ng palay production na mas mataas ng dalawang milyon na production noong 2019.
Dahil sa naturang data, naitala ang 92 percent self-sufficiency sa palay.
Sa isda, naman ay tumaas ng 37.69 percent ang naitala noong Pebrero kaya naman mayroon na raw ngayong 59,988.98 metric tons sa lahat ng rehiyon.
Naging daan din ito para bumaba ang presyo ng mga isda gaya ng galunggong na dati ay P300 na ngayon ay nasa P240 na lamang.
Bumaba rin umano ang presyo ng bangus at tilapia.