-- Advertisements --
image 192

Nanindigan ang Department of Agriculture na may sapat na basehan at dumaan sa pag-aaral ang inilatag na price cap sa bigas.

Ayon sa bagong tagapagsalita ng DA na si Atty Willie Ann Angsiy, pinag-aralan muna ng pamahalaan ang inilaan na limitasyon sa presyo ng well-milled at regular-milled na bigas bago ito tuluyang ipinag-utos ni PBBM.

Ilan sa mga salik na ikinunsidera sa ilalim nito ay ang kasalukuyang presyuhan ng bigas mula sa mga supplier at producer, presyo ng agri inputs, kakayahan ng publiko na makabili, at iba pa.

Nilinaw din ng opsiyal na ang rekomendasyon para sa limitasyon sa presyo ng dalawang klase ng bigas ay mula sa pagtutulungan ng ibat ibang ahensiya ng pamahalaan, katulad ng National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Trade and Industry (DTI), Price Coordinating Council (PCC), at DA.

Nauna nang sinabi ng opisyal na naging maayos ang pagpapatupad ng price cap ng bigas sa loob ng ilang araw na implementasyon, batay na rin sa paglilibot ng ahensiya.

Ito ay sa likod pa rin aniya ng mga batikos, at ilang mga retailers na hindi sumunod sa naturang presyuhan.