Sa pangunguna ni Jose Apollo Y. Pacamalan, Regional Executive Director ng Department of Agriculture – Regional Field Office 10 (DA-RFO 10), namahagi ang Department of Agriculture ng tulong sa mga magsasaka ng Valencia City at mga bayan ng San Fernando, Dangcagan, Damulog, Don Carlos at Kadingilan sa lalawigan ng Bukidnon. Mahigit 3,097 magsasaka ang nakatanggap ng fuel assistance na nagkakahalaga ng P9.291 milyon mula Mayo 20-24.
Pinangunahan ng Regional Agricultural Engineering Division (RAED) ng ahensya ang distribusyon ng tulong na naglalayong suportahan ang mga magsasaka na nakikiisa sa pagmikanisa ng kanilang mga operasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang kagamitang pang-agrikultura upang palakasin ang resistensya ng mga magsasaka at bawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa kanilang production costs.
Ang nasabing inisyatibo ay tugma rin sa three-year plan ng kalihim ng DA na pagmekanisa at pagmodernisa ng mga agriculture and fishery production systems upang taasan ang produksyon sa agrikultura, babaan ang presyo ng pagkain, tiyakin ang food security, at gawing bankable investment alternative ang pagsasaka at pangingisda.
Ang mga fuel discount card ay ipinamahagi sa 1,230 magsasaka sa Valencia City, 503 sa San Fernando, 742 sa Dangcagan, 110 sa Damulog, 106 sa Don Carlos, at 406 sa Kadingilan. Ang bawat magsasakang-beneficiary ay makakatanggap ng P3,000, basta enrolled sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).