Naglabas ng babala ang Department of Agriculture (DA) laban sa kumakalat na maling impormasyon kaugnay sa kanilang Swine Repopulation Project (SRP).
Ayon sa DA, ang SRP ay isang tatlong taong programa na layong maibalik at mapalakas ang populasyon ng baboy sa bansa matapos ang pinsalang dulot ng African Swine Fever (ASF).
Bahagi ng proyekto ang pagtatatag ng maayos at ligtas na breeding system mula sa source farms hanggang sa multiplier at production farms gamit ang mga siyentipiko at bio secure na pamamaraan.
Paliwanag ng ahensya, inaasahang makakatulong ang SRP sa pagpapatatag ng suplay ng baboy at sa pagpapababa at pagpapatatag ng presyo ng karne sa lokal na merkado.
Dagdag pa ng ahensya na ang programa ay katuwang ng mga umiiral na inisyatiba tulad ng dating INSPIRE program at kasalukuyang Swine Industry Recovery Project (SIRP).
Kasama rin sa SRP ang pagbili ng mga “gilt” o batang inahing baboy mula sa mga accredited breeder farms na ipapamahagi sa mga multiplier farm para paramihin at maipasa sa mga benepisyaryo.
Depende sa kwalipikasyon, maaaring makatanggap ang isang farm ng 25 hanggang 2,000 baboy.















