Magsasagawa ng inspeksiyon ang Department of Agriculture (DA) Inspectorate and Enforcement group sa mga bodega ng bigas sa gitna ng mga alegasyon ng hoarding o manipulasyon ng stocks para bigyang-katwiran ang pagsipa ng presyo ng bigas.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary and deputy spokesman Rex Estoperez, bagamat natanggalan ng regulatory powers ang National Food Authority sa bisa ng Rice Tarrification Law may kapangyarihan pa rin ang DA na bisitahin ang mga storage facilities.
Paliwanag pa ng DA official na tumaas ang retail price ng mga pangunahing pagkain dahil magsisimula pa lamang ang anihan ng palay sa huling bahagi ng Setyembre o unang bahagi ng Oktubre.
Dinepensahan din nito ang desisyon ng DA na gamitin ang humanitarian issue sa negosasyon nito sa India para payagan ang Pilipinas na mag-angkat ng bigas sa kabila pa ng export ban nito.
Aniya, hiniling nila sa India na i-exempt ang PH sa export ban ng kanilang bigas bilang humanitarian consideration dahil sinalanta ng mga nagdaang bagyo ang bansa.
Matatandaan na una ng inanunsiyo ng DA na target ng bansa na mag-angkat ng nasa 300,000 hanggang 500,000 metrikong toneladang bigas mula sa India at Vietnam para matiyak na mayroong sapat na stocks ng bigas sa ating bansa.