-- Advertisements --

Ibinunyag ni Department of Agriculture (DA) Department of Agriculture (DA) Undersecretary Asis Perez ang naunang pagrekomenda ng ahensiya na taas pa ang taripa ng bigas ng hanggang 50%.

Sa isang pagdinig sa Senado na pinangunahan ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, sinabi ni Usec Perez na ang dating rekomendasyon nila ay ang 50% na pagtaas sa taripa ng bigas ngunit ang kabaliktaran aniya ang nangyari.

Mula sa 50% na pagtaas ay nagkaroon ng pagtapyas at bumaba ang taripa na hanggang 15% na lamang.

Ang naturang rekomendasyon aniya ay ginawa sa harap ng CTRM (Committee on Tariff and Related Matters), isang Cabinet-level inter-agency committee na tumatalakay sa mga isyu ukol sa taripa. Ang rekomendasyon nito ay isinusumite sa National Economic and Development Authority (NEDA) board, na pinamumunuan ng pangulo ng bansa.

Sa kabila nito ay kinunsulta rin umano ang DA ukol sa pagbaba ng taripa bago pa ito naaprubahan.

Maalalang mula sa 35% na dating taripa sa bigas ay ibinaba ito sa 15% sa pagnanais ng pamahalaan na bumaba ng hanggang P7.00/kilo ang presyo ng bigas sa buong bansa.

Inaprobahan ito ng NEDA board noong June 3, 2024 at magtatagal ang implementasyon hanggang sa 2028.