Sinimulan na raw ng Department of Agriculture (DA) ang imbestigasyon sa ibinunyag ng House committee on ways and means chairman na mayroong nagaganap na smuggling sa produktong palm oil.
Sa isang statement, sinabi ni Agriculture Undersecretary Fermin Adriano, tuloy-tuloy na raw ang kanilang imbestigasyon sa naturang isyu bagamat ang imbestigasyon nila sa pag-smuggle ng palm oil bilang animal feeds ay iniimbestigahan na raw ng DA noon pang nakaraang taon.
Sa isinagawang House panel hearing, nasa P45 billion daw ang revenue loss ng pamahalaan dahil sa misdeclaration ng palm oil na ginagamit bilang animal feeds na nagkakahalaga ng P300 billion.
Sinabi naman ni Adriano na ang imported palm oil na ipinoproseso para maging animal feed ay mayroong zero tariff at ang produkto ay hindi naman classified na produktong kailangang patawan ng 12 percent value-added tax.
Dagdag ni Adriano mayroon daw discrepancy sa volume ng palm oil bilang animal feeds na sinertipikahan ng Bureau of Animal Industries (BAI) kumpara sa pinapayagan ng Bureau of Customs (BOC) na makapasok sa bansa.
Base rin sa data ng BoC, taong 2016 pa raw pinayagan ang pagpasok ng palm oil base sa data na nakuha ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Sa data ng BoC, ang nairehistrong imports noong 2016 ay 1.181 million kilogramss pero base naman sa data ng Bureau of Animal Industry, ang import volume ay 2.421 million kilograms.
Nag-peak daw ang pag-aangkat ng bansa sa 55.488 million kilograms noong 2020 base sa data mg BoC data pero sa data ng Bureau of Animal Industry ay umabot lamang ng 40.63 million kilograms ang import na palm oil.
Nilinaw din ni Adriano na walang police power o kapangyarihan ang DA na huliin at panagutin ang mga smugglers kaya nagpasaklolo ang mga ito sa Anti-Red Tape Authority na siya namang nagsagawa ng imbestigasyon noong Enero ngayong taon.
Dagdag ni Dar, base sa report ng ARTA, lumalabas na ang Bureau of Internal Revenue-Revenue Memorandum Circular (BIR-RMC) ay inatasan nito ang Food and Drug Administration (FDA) na i-certify na ang mga imported palm oil ay unfit o hindi puwede para sa human consumption.
Bahagi raw ito ng requirements para sa VAT exemption.