Hiniling ng Department of Agriculture (DA) sa mga mambabatas na suportahan ang pagtataas sa P15 billion na pondo sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Binigyang diin ni Agriculture spokesman at Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang bahagi ng pondo ay gagamitin sa irigasyon at pantulong sa mga magsasaka na may hindi tataas sa dalawang ektaryang lupang tinataniman.
Sa ngayon kasi nasa P10 billion lang ang RCEF sa ilalim ng ipinatutupad na Rice Tariffication Law (RTL) na magtatapos sa taong kasalukuyan.
Sinasabing malaki ang naitulong ng kasalukuyang batas para sa produksyon ng bigas, kung saan tumaas aniya ng 7% ang performance ng rice sector.
Ang RTL original version ay P10 billion lang kada taon mula sa makokolektang taripa ng Bureau of Customs (BOC) mula sa imported rice ang mapupunta sa mga magsasaka.
Sa halagang ito, P5 billion ang nakalaan para sa mechanization, P3 billion sa inbred seeds, P1 billion para sa pautang at P1 billion sa pagsasanay ng mga magsasaka.
Pero una nang nangako ang mga kongresista na titingnan nila ang lahat ng isyu hinggil sa pending bills, upang hindi na magkaroon ng pag-amyenda sa mahalagang batas na katulad nito.