Pansamantalang ipinagbawal muna ni Department of Agriculture Chief Francisco P. Tiu Laurel ang importasyon ng mga buhay na baka, karne, o mga produktong karne, mga by-product mula sa baka, semen ng baka, at iba pang produkto mula sa United Kingdom dahil sa kaso ng Bovine Spongiform Encephalopathy (BSE) o mas kilala bilang “Mad Cow Disease” sa pamamagitan ng Memorandum Order No. 20 na inilabas noong ika-30 ng Mayo 2024.
Ang pansamantalang pagbabawal sa importasyon ay ipinatupad dahil sa isang insidente ng classical strain, C-type BSE na natuklasan sa South Ayrshire, Scotland noong ika-10 ng Mayo 2024, ayon sa kumpirmasyon na iniulat sa World Organization for Animal Health – World Animal Health Information System (WOAH-WAHIS) at sa opisyal na sulat na natanggap ng DA mula sa UK Chief Veterinary Officer.
Ang Mad Cow disease ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng tao at maaring makaapekto sa industriya ng hayop sa Pilipinas. Dahil dito, ipinatupad ng Kalihim ang pansamantalang pagbabawal sa importasyon upang bigyang diin ang kahalagahan ng pag-iingat para sa kalusugan ng publiko.
Ang imported na karne ng baka ay pangunahing pagkain sa mga fast-food at high-end restaurant, at mahalagang sangkap sa mga processed and canned food. Kaya para mapanatili ang patuloy na kalakalan habang pinipigilan ang posibleng panganib ng pagkalat ng impeksyon ng BSE, ang lahat ng mga pagpapadala mula sa United Kingdom na nasa transit na, nakakarga, o tinanggap na sa port ay pinapayagan, basta’t ang mga produkto ay naging slaughter o inilabas bago ang ika-10 ng Abril 2024.
Ipapatupad ng DA ang mas mahigpit na pagsusuri sa lahat ng padating na karne at mga by-product mula sa baka, kasama ang mga buhay na hayop at mga by-product mula sa pagproseso ng baka, upang tiyakin na ang mga produktong walang impeksyon lamang ang papasok sa bansa.