Bumubuo ang Department of Agriculture-Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (DA-BAFE) ng isang programa upang mabantayan ang mga farm-to-market roads (FMR) sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Ito ay sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya ng pamahalaan, katulad ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda), Department of Labor and Employment (DoLE), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Agricultural Training Institute (ATI).
Ayon kay Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering Director Ariodear Rico, layunin ng binubuong programa na magkaroon ng maayos na panuntunan sa pag-mentene sa mga farm-to-market roads, na kalimitang nasa pangangalaga lamang ng mga Barangay.
Mahalaga aniya na maingatan ang mga nasabing kalsada dahil maliban sa malaking pondo ang nagamit para sa pagtatayo sa mga ito ay nagsisibli silang pangunahing channel upang mailabas ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto.
Kinailangan din aniya na bumuo ng konkretong programa dahil marami sa mga farm to market roads sa bansa ay tuluyan nang napapabayaan at hindi namementene.
Sa ilalim din ng binubuong programa, plano ng DA na makuha ang tulong ng mga benepisyaryo ng Tupad program(Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) na silang pangunahing maglilinis at magbabantay sa mga naturang kalsada.