-- Advertisements --

Pinuna ni Senate committee on economic affairs chairperson Sen. Imee Marcos ang kabiguan ng mga ahensya ng gobyerno na ma-control ang presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga agriculture supplies, kahit nasa state of calamity ang buong Luzon.

Ayon kay Marcos, 10 araw nang walang magawa ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) sa nagtaasang presyo sa mga palengke.

“Puro matatamis na salita lang ang napapala natin mula sa DA at DTI. Walang natutupad na price control,” ayon kay Marcos.

Sinabi ng senador na mas malaki pa ang puhunan ng mga tindera kaysa sa mga suggested retail price (SRP) na pinataw ng gobyerno, kaya mas mataas ang presyuhan sa mga palengke.

Iginiit umano ng mga tindera sa kanilang sumbong, na nagmahal ang presyo ng mga bilihin dahil sa kapos na supply ng mga produkto mula sa mga lalawigan dulot ng pinsala ng bagyo sa agrikultura habang mataas naman ang demand o pangangailangan ng publiko.

Dagdag pa ng mga tindera, mataas din ang mark-up cost ng mga middlemen sa pagbili ng mga gulay sa mga magsasaka.

Sinabi ni Marcos na ayon sa Republic Act 7581 o Price Act, may tinatawag na “buffer fund” na pwedeng magamit ng DA para madagdagan ang mga Kadiwa rolling store at makaabot sa mas maraming mamimili ang mas murang presyo.

Lumalabas na malaki ang agwat ng mga SRP sa aktwal na presyo kada kilo ng mga bilihin sa ilang mga palengke sa Metro Manila, base sa survey na kanilang ginawa.

Sitaw – ex 90, now 150, SRP 80
Talong – ex 100, now 150, SRP 60
Ampalaya – ex 100, now 220, SRP 80
Kamatis – ex 140, now 160, SRP 100
Repolyo – ex 80, now 100, SRP 80
Baguio petchay – ex 60, now 120, SRP 80
Baguio beans – ex 80, now 160, SRP 100
Sayote – ex 25, now 35, SRP 30
Carrots – ex 60, now 100, SRP 80
Patatas – ex 50, now 70, SRP 70
Sibuyas – ex 80, now 100, SRP 100
Bawang – ex 80, now 100, SRP 100