Ipinag-utos ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad) na bayaran ang kanilang customers bilang penalty dahil sa patuloy na water service interruptions sa loob ng Putatan Water Treatment Plant (PWTP) supply zone.
Base sa assessment at computation ng MWSS-Regulatory Office Operation Monitoring Department, may hindi ba nababayaran ang Maynilad sa kanilang customers na P9.264 million sa penalty.
Nasa 143,167 customer ng Maynilad sa loob ng Putatan Water Treatment Plant (PWTP) supply zone kayat dapat na bayaran aniya ng kompaniya ang bawat apektadong customers ng P65 na inaasahang maibabawas naman sa susunod na buwan.
Una rito, mula Mayo hanggang July 2022, namonitor ng MWSS ang matagal at paulit-ulit na water service interruptions at isyu sa kalidad ng tubig sa southern part ng West Concession Area.
Batay sa imbestigasyon, napag-alamang nilabag ng Maynilad ang obligasyon nito na tiyakin ang pagkakaroon ng walang patid o 24-oras na supply ng tubig na dapat ay nasa 7 pounds per square inch (psi) minimum pressure sa loob ng mahigit 15 araw para maserbisyuhan ang mga customer nito sa ilang bahagi ng Las Piñas City, Muntinlupa City, Parañaque City, at Cavite Province (Bacoor City, Imus City, Cavite City, Noveleta, at Rosario).