Makararanas ng kawalan ng supply ng tubig ang mga customer ng Maynilad sa ilang barangay sa Quezon City ngayong gabi.
Ito’y dahil magsasagawa ng regular na maintenance activities ang Maynilad sa mga linya ng tubig sa nabanngit na lugar.
Layon rin nito na mapanatili sa maayos na kondisyon ang kabuuang distribution system sa West Zone.
Inaasahang maaapektuhan simula mamayang alas 10 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga ng February 6 ang Brgy. Doña Josefa sa nasabing lungsod.
Naka iskedyul rin ang water interruption sa Sta. Monica, Nagkaisang Nayon, at Nova Proper.
Sa isang pahayag, sinabi ng Maynilad na karamihan sa mga isasagawa nitong maintenance activities ay isasagawa tuwing off-peak hours.
Ito ay upang mabawasan ang malaking epekto ng maintenance sa mga customer.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng Maynilad ang mga apektadong residente na mag-ipon ng sapat na tubig bago ang nakatakdang water interruption.
Samantala, sinabi rin nito na hayaan munang dumaloy ang tubig nang panandalian hanggang sa luminaw ito kapag bumalik nang muli ang kanilang serbisyo.