Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nakahanda silang tanggapin sa PNP Custodial Center si Sen. Antonio Trillanes kung sakaling ipag-utos ng korte.

Ito ang inihayag ni PNP spokesman C/Supt. Benigno Durana sa gitna ng mga lumutang na ulat na posibleng maglabas ng panibagong arrest warrant ang korte laban sa senador sa kasong coup ’d etat na hindi bailable.

Kahapon, pinahintulutan ng korte si Trillanes para magpiyansa ng P200,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan matapos isilbi ang arrest warrant sa kasong rebelyon.

Ayon kay Durana, kung sakaling hindi payagang magpiyansa si Trillanes sa panibagong kaso, at ipag-utos ng korte na sa PNP Custodial Center ito ikukulong ay susundin ito ng PNP.
Aniya, bukas naman ang Custodial Center sa sinuman ipag-utos ng korte na ikukulong dito.

Sa ngayon sina Senators Bong Revilla at Leila De Lima ang nakapiit sa PNP Custodial Center.