KALIBO, Aklan – Iniksian pa lalo ng provincial government ang curfew hours sa Aklan kasunod nang pagsasailalim dito sa Alert Level 2.
Sa inilabas na advisory ni Aklan Governor Florencio Miraflores, epektibo Biyernes ng gabi, ang curfew ay mula alas-11:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw na lamang.
Dinagdagan naman ng dalawa ang maaaring isakay na pasahero sa mga bumibiyaheng tricycle mula sa dating dalawa.
Pinalawig rin ang business operations mula sa dating 6:00 AM to 8:00 PM ay ginawa itong 6:00 AM to 10:00 PM.
Ayon sa gobernador, makakatulong ito para sa pagbangon ng ekonomiya ng lalawigan dahil madadagdagan ang operating hours ng mga establisimiyento tuwing gabi.
Samantala, mahigpit pa rin aniyang ipatutupad ang health protocols dahil nananatili pa ang banta ng sakit.
Kailangan umanong ang tao ang mag-adjust sa pamamagitan ng tamang pagsunod sa mga patakaran.










