Isinusulong ngayon sa Senado ang panukalang batas na naglalayong awtomatikong maisama ang lahat ng mga magsasaka na may walong ektarya ng sakahan pababa sa ilalim ng crop insurance program ng gobyerno.
Sa inihaing Senate Bill 390, layon din nito na maprotekahan ang maliliit na magsasaka at mga pananim mula sa negatibong epekto ng natural at iba pang sakuna.
Sa explanatory note ng panukalang batas, nakasaad na hindi lamang nakakaapekto sa consumption kundi maging sa produksiyon ng kaukulang pagkain ang pandemiya at natural disasters na tumama sa bansa kaya’t kailangan aniya ng permanente at long term solution para matiyak protektado at mabigyan ng suporta ang sektor ng agrikultura lalo na ang maliliit na magsasaka sa kanilang produksiyon.
Sakali mang maipasa bilang batas ang naturang panukala, imamandato ang Department of Agriculture (DA) para magbalangkas ng isang komprehensibong crop insurance scheme para sa small farmers sa pakikipagtulungan sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) at konsultasyon sa Insurance Commission.
Sa ilalim din ng panukalang batas, ang insurance premium ng mga magsasaka na nag-mamay-ari o nag-sasaka ng limang ektarya ng farmland pababa ay makakatanggap ng subsidiya mula sa gobyerno.
Habang sagot naman ng pamahalaan ang kalahati ng insurance premium ng mga magsasaka na nagmamay-ari o nagsasaka ng mahigit sa limang ektarya subalit hindi lalagpas ng walong ektarya ng farmland.