-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nabunutan umano ng tinik ang pulisya nang mag-desisyon na sumuko ang kilabot na criminal gang na nasa likod ng ilang mga kaso ng patayan,illegal drug distributions at malawakang nakawan sa ilang bayan ng Bukidnon at Lanao del Sur.

Ito ay matapos sumuko ang pinuno ng Acuman Criminal Gang na si Dario Acuman kasama ang dalawang miyembro nito sina Ryan at Erwin Acuman na nakabase sa Barangay Dominorog,Talakag,Bukidnon.

Sinabi ni Police Regional Office 10 Director Brig Gen Lawrence Coop na ang pagsuko ng Acuman group ay hudyat na mababawasan na rin ang magaganap na kremin sa nabanggit na mga probinsya.

Dagdag ng heneral na mula sa isang solido na armadong grupo ay lalong lumiit ang mga Acuman dahil sa walang humpay na police operations sa mga lugar na gumagalaw ang mga ito para maghasik ng mga kremin.

Isinuko rin ng grupo ang kanilang M-16 at M-14 rifles kasama ang kalibre 45 na armas habang humarap sa publiko sa Camp Alagar nakabase ang PRO 10 headquarters dito sa Northern Mindanao region.