ILOILO CITY – Umakyat pa sa 12 ang bilang ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) positive na crew ng 2GO cargo vessel na naka-angkla sa Iloilo Strait.
May 16 pang crew na isinailalim sa swab test kahapon, Agosto 27, at hinihintay pa ang resulta.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo City COVID-19 team spokesperson Jeck Conlu, sinabi nito na lock down pa rin ang nasabing cargo ship habang hindi pa gumagaling ang infected na mga indibidwal.
Nasa look rin ng vessel ang ilang naka-close contact na mga crew ngunit nananatili ang mga ito sa hiwalay na cabin.
Napag-alaman na Iloilo-Davao-General Santos City ang ruta ng nasabing vessel ngunit nakadaong pa ito sa Bacolod City bago dumiretso sa Iloilo City.
Ayon pa kay Conlu, nakaramdam na ng flu-like symptoms ang index case nang dumating sa lungsod kung kaya’t hindi na pinababa ang mga crew.