KALIBO, Aklan – Dalawang bangkay ng COVID positive patients ang inilibing sa dalawang magkahiwalay na sementeryo kagabi sa Kalibo, Aklan.
Ito ay alinsunod sa kautusan ni Aklan Governor Florencio Miraflores sa 17 alkalde ng lalawigan na maghanda ng libingan dahil sa pansamantalang paghinto ng operasyon ng partner crematorium facility sa siyudad ng Iloilo simula kahapon, Agosto 2, dahil sa dami ng mga dinadalang bangkay doon araw-araw.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Ibajay Mayor at League of the Municipalities of the Philippines (LMP)-Aklan chapter president Joen Miraflores na mahigpit nilang susundin ang protocol sa paglilibing sa bangkay 12 oras pagkatapos na bawian ng buhay.
Ang hukay ay dapat na may lalim na anim na talampakan at dapat na nakalagay ang selyadong bangkay sa metal casket.
Nilinaw pa ni Mayor Miraflores na hindi lamang ang Aklan ang tinanggihan ng naturang crematorium facility kundi iba pang probinsiya sa Isla ng Panay.
Nabatid na umaabot sa apat hanggang lima ang namamatay sa COVID 19 bawat araw sa Aklan.