Inatasan ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang kanilang armed wing na New People’s Army (NPA) na tumulong sa mga taga-probinsya ng Quezon na maapektuhan ng Bagyong Tisoy.
Sa isang panayam, sinabi ni Marco Valbuena, ang chief public information officer ng CPP, na kanilang inatasan ang NPA pati na rin ang mga revolutionary masses na tumulong sa paghahanda para sa inaasahang malakas na pag-ulan at sa posibleng mga pagbaha at landslides.
“They can prepare the necessary equipment and other resources, and link up with various local and international relief and aid organizations, in order to help the people in emergency situations, as well as in rebuilding their farms and homes after the storm,” ani Valbuena.
Samantala, inabisuhan din ng opisyal ang NPA na manatiling mapagmatyag laban sa pag-atake ng mga tropa ng pamahalaan na nagsasagawa ng mga operasyon sa Eastern Visayas, Bicol, Southern Tagalog pati na rin sa northern at central Luzon.
Nananawagan din si Valbuena sa publiko na hilingin sa militar at mga pulis na huwag i-militarize ang disaster at relief operations upang sa gayon ay mas maraming indibidwal na maapektuhan ng Bagyong Tisoy ang matulungan.
Nabatid na sa ngayon nakataas na ang Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) No. 3 sa Catanduanes at iba pang bahagi ng Camarines Sur, Albay at Sorsogon habang bahagyang lumakas ang Bagyong Tisoy, ayon sa Pagasa nitong umaga.










