-- Advertisements --

Nagbigay ng ilang detalye ang Department of Finance (DOF) kung paano makakakuha ang pamahalaan ng P82.5 billion budget para pondohan ang vaccination program nito.

Sa ilalim aniya ng 2021 General Appropriations Act, P82.5 billion ang alokasyon sa naturang proyekto na target mabakunahan ang 55 porsyento ng populasyon sa bansa.

Sa nasabing halaga, P2.5 billion ang magmumula sa budget ng Department of Health (DOH) ngayong taon, habang ang P10 billion ay kukunin mula sa COVID-19 vaccination program allocation sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11494 o Bayanihan To Recover As One Act (Bayanihan 2).

Paliwanag pa ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na ang natitirang P70 billion ay kukunin sa inutang mula sa multilateral lenders, bilateral partners ng Pilipinas, at domestic market.

Sa ngayon aniya ay inaayos na ng DOF ang nasa P62.5 billion o halos $1.3 billion na loans sa multilateral banks para bumili ng COVID-19 vaccines.

Kasama sa naturang multilateral institutions na ito ay ang Asian Development Ban (ADB), World Bank (WB) at Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB).

Una nang napaulat na target ng gobyerno na mabakunahan ang nasa 50 hanggang 70 milyong Pilipino na may edad 18-anyos pataas.