-- Advertisements --

Mahigpit na binabantayan ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) ang pasyenteng nagpositibo sa Covid-19 Delta variant.

Ayon sa CESU, isang 34-anyos na lalaking OFW ang dumating sa Pilipinas at tumuloy sa isang hotel sa Makati at kalaunan ay inilipat sa panibagong hotel sa Maynila, bago pinayagang makauwi sa bahay nito sa Quezon City.

Sinasabing nakaranas ito ng pangangati ng lalamunan, kaya isinalang ito sa swab test pagkalipas ng anim na araw.

Pero bago lumabas ang genome test na nakuha sa kaniya, pinayagan na itong makauwi sa kaniyang pamilya noong Hulyo 11, 2021 sa Quezon City.

Dito na lumabas na positibo pala ito sa Delta variant ng COVID-19.

Tiniyak naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na mahigpit na babantayan at aalalayan ang pamilya nito, hanggang sa ganap silang maideklarang ligtas na sa nakamamatay na sakit.