-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Science and Technology na ngayong linggo na iaanunsyo ang potential vaccine product na susubukan sa Pilipinas sa ilalim ng World Health Organization (WHO) Solidarity Trials.

Inilabas ni DOST vaccine expert panel council chairperson Dr. Nina Gloriani ang mga detalye ng gagawing trial sa bansa.

Sa ngayon aniya ay patuloy pa nilang tinatalakay kung ilang indibidwal ang maaaring maging lumahok dito.

Namimili raw sila kung 4,000 o 15,000 participants ang kanilang kukuhanin para sa solidarity trial subalit mukhang malabo umano na maaprubahan ang 15,000 dahil sa logistical concerns.

Dagdag pa ni Gloriani, ang mga initial participating sites ay mula sa mga lugar na mayroong mataas na transmission rate ng COVID-19, gaya ng National Capital Region (NCR), Calabarzon, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Gagawin ding prayoridad ang mga indibidwal na nasa age group na 18 hanggang 59-taong gulang, at gayundin ang mga tao na kasali sa coronavirus high-risk groups tulad ng healthcare workers, frontliners at contacts ng mga infected patients.

Maaari ring magdagdag pa ang DOST ng special groups tulad ng mga matatanda na may edad 60-anyos pataas, at mga bata na immunocompromised.

Aabutin naman aniya ng tatlo hanggang anim na buwan ang magiging evaluation para sa primary outcome kung magiging epektibo ang bakuna.

Ibinahagi rin nito ang 14 na ospital na maaaring mag-enroll sa clinical trials: Philippine General Hospital, Research Institute of Tropical Medicine (RITM), Manila Doctor’s Hospital, San Lazaro Hospital, St. Lukes Medical Center, St. Lukes Medical Center, Lung Center of the Philippines, The Medical City, Makati Medical Center, De La Salle Medical Center – Cavite, Vicente Sotto Memorial Medical Center – Cebu City, Southern Philippines Medical Center – Davao City, Baguio General Hospital and Medical Center at Western Visayas Medical Center – Iloilo City.