-- Advertisements --

Hindi na raw dadaan sa evaluation ng Vaccine Expert Panel (VEP) ang mga bakuna ng COVID-19 na magagawaran ng emergency use authorization (EUA).

Ayon kay Dr. Nina Gloriani, head ng Department of Science and Technology-VEP, diretso na sa Food and Drug Administration (FDA) ang pagsusuri sa mga bakunang mapipiling bigyan ng “go signal” para sa emergency use.

“Didiretso sa FDA, hindi sa amin. Kasi lahat ng magsu-supply diretso sa FDA kasi hindi sila mag-clinical trial,” ayon sa eksperto.

Mayroon daw miyembro ng DOST-VEP na bahagi rin ng hiwalay na vaccine expert panel ng FDA. Kaya naman maliit daw ang tsansa na humingi sa kanila ng konsultasyon ang ahensya.

“It is possible for FDA to consult us, or get some inputs from us? In fact one of our members is a member of the FDA-VEP as well.”

Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, magkaiba ang “pathways” o prosesong dadaanan ng mga bakunang ipapasok lang sa Pilipinas para sa clinical trial at emergency use o supply.

Kung ang COVID-19 vaccine ay pag-aaralan lang o isasailalim sa clinical trial, kailangan itong dumaan sa VEP, SJREB at FDA evaluation.

Ayon sa tagapagsalita ng Department of Health, nakasaad sa Executive Order No. 121 ni Pangulong Rodrigo Duterte na may mandato ang FDA na bumuo ng hiwalay na VEP para sa mga bakunang mag-aapply para sa EUA.

“Yung isang pathway natin hindi na magki-clinical trial yung mga manufacturers, didiretso na sa implementation. Dito magagamit yung EUA, which is diretso sa FDA.”

“Mayroon tayong vaccine panel na bubuohin din sa loob ng kanyang regulatory process.”

Kamakailan nang aprubahan ng United Kingdom government ang EUA application ng kompanyang Pfizer-BioNTech.