Itinutulak ngayon ni Taguig-Pateros Rep. at dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang vaccine passport bilang patunay umano na nabakunahan ang isang indibidwal laban sa coronavirus disease.
Ayon kay Cayetano, hindi lamang magsisilbi bilang public health initiative ang nasabing vaccine passport ngunit susi na rin ito upang ibalik ang kumpyansa ng publiko at muling pagtayo ng ekonomiya.
Makakatulong din aniya ito upang muling kumonekta ang publiko sa ibang bansa at sa buong mundo.
Ginawa ni Cayetano ang proposal na ito matapos ilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang coronavirus disease vaccination road map ng pamahalaan.
May ilang bansa na raw ang gumagamit ng vaccine passports or cetficates, partikular na ang Bahrain kung saan ang mga vaccination certificates ay binibigay sa mga indibidwal sa oras na makumpleto na ng mga ito ang kanilang vaccination schedule.
Una nang sinabi ng IATF na nakikipag-ugnayan ito sa ilang pharmaceutical companies na gumagawa ng COVID-19 vaccines. Tinatayang aabot ng 148 million doses ang makukuha ng Pilipinas.
Sa ilalim ng naturang road map, 50 hanggang 70 milyong Pilipino ang mababakunahan ngayong taon. Simula sa mga health care workers, vulnerable, indigent seniors, mahihirap na komunidad, uniformed personnel, mga guro, school workers, gobernment workers, essential workers, co-morbid groups, overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang natitirang workforce.
Dagdag pa ng mambabatas na magandang simula ang road map na ito para sa laban ng bansa kontra coronavirus disease.
Hinihikayat naman nito ang iba pang ahensya na magtulong-tulong upang tiyakin na maayos itong maipapatupad sa lalong madaling panahon.