-- Advertisements --

Posibleng sa Nobyembre ay maging available na sa publiko ang COVID-19 vaccine gawang China.

Ayon sa chief biosafety expert ng Chinese Centre for Disease Control na si Wu Guizhen, maayos na lumalakad ang Phase 3 clinical trials ng mga bakuna mula Sinovac Biotech at Sinopharm.

Kaya naman posible raw na sa Nobyembre o unang bahagi ng Disyembre ay mabigyan na ng access ang publiko sa bakuna ng dalawang kompanya.

Umaasa kasi ang representatives ng dalawang vaccine manufacturers na mabibigyan sila ng approval, kasabay ng pagtatapos ng trials.

Mismong si Wu raw ay nakatanggap ng isa sa mga bakuna noong Abril, at hanggang ngayon ay mabuti ang kanyang pakiramdam.

Mayroon ng siyam na vaccine candidates na nasa huling antas na ng clinical trials.

Pansamantala namang itinigil ng AstraZenica at University of Oxford ang kanilang inisyatibo matapos makaramdam ng hindi pa matukoy na sakit ang isa sa kanilang mga volunteer patient.

Sinabi ng Sinovac na higit 10,000 indibidwal na raw ang nagpaabot ng interes sa kanila para maging volunteer sa trials.(AFP)