Nababahala umano si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa kakulangan ng gobyerno na planuhin ang gagawin nitong pamamahagi ng coronavirus vaccine.

Nag-aalala raw ang senador dahil tila wala itong naririnig na plano ng pamahalaan upang tiyakin na magkakaroon ng agarang access ang bansa sa oras na magkaroon na ng COVID-19 vaccine.

Hindi rin aniya pwedeng magpakampante ang publiko sa P2.5 billion budget na ilalaan para sa pagbili ng bakuna sa susunod na taon.

Saad pa ng senador na ang maliit na alokasyong budget para sa naturang gamot sa ilalim ng National Expenditures Program (NEP) ay nagpapatunay lamang sa mahinang pagpa-plano ng Department of health (DOH).

Sa kabila nito ay umaasa pa rin daw ang mambabatas na maiintindihan ng gobyerno na gamot lamang ang tanging kailangan upang matapos na ang health crisis na pinagdeadaanan ng mga bansa.

Ang pag-asa umano na makaligtas ang lahat nakadepende sa abilidad ng pamahalaan na kaagad mamahagi ng bakuna sa taumbayan.

Hinikayat din nito ang gobyerno na maging agresibo sa ginagawa nitong hakbang para tugunan ang krisis. Marami aniyang paraan upang alamiun kung papaano titiyakin na hindi itra-tira ang makukuha ng Pilipinas sa oras na magkaroon na ng bakuna na inaasahan namang mangyayari na sa susunod na taon.

Isang halimbawa na lamang daw ang COVAX facility, na isang financing mechanism na tutulong sa mga mahihirap na bansa upang magkaroon ng access sa coronavirus vaccines.

Ilang bansa naman ang nag pre-purchase na ng kanilang orders mula sa mga vaccine manufacturers, tulad ng Estados Unidos, United Kingdom, European Union Countries, Canada at Japan.

Dagdag pa ni Drilon, ang ganitong urio ng pasilidad ay malaki ang maitutulong sa bansa upang magkaroon ng access sa bakuna.